Nam-bully sa inuman, tinaga ng pinsan

TINAGA sa batok ang 36-anyos na lalaki na nangulit umano habang nakikipag-inuman sa mga kabarkada sa Caramoran, Catanduanes.


Nagpapagaling na sa ospital si Rene Fernandez ng Sitio Lusong, Brgy. Maysuran. Ayon sa pulisya, maswerte na walang tinamaang ugat ang biktima kaya nakaligtas ito.


Inaresto naman ang suspek na si Alfredo Fernandez, 32, pinsan at kapitbahay ng biktima.


Nag-iinuman ang magpinsan kasama ang kanilang mga kaibigan sa lugar nang simulang i-bully ni Rene ang isa sa mga katagayan.


Sinaway ni Alfredo ang pinsan pero ipinagpatuloy lang ng huli ang ginagawa kaya nagalit ang suspek at pumasok ng bahay.


Pagbalik ay may bitbit ng itak ang suspek at walang sabi-sabing tinaga ang biktima.