Guro pinakain sa estudyante nginuyang chewing gum ng kaklase

NAHAHARAP sa reklamo ang guro sa Santa Barbara, Iloilo na isinubo sa kanyang estudyante ang chewing gum na nginuya ng kaklase at idinikit sa kahoy.


Ayon sa ulat, nagtamo ng gasgas ang bibig ng mag-aaral dahil sa mga salubsob na nakadikit sa chewing gum.


Napag-alaman na nasa likod ng classroom ang estudyanteng si Dennis (hindi tunay na pangalan) habang ngumunguya ng gum at nakikipagtawan sa kaklase.


Kinalaunan ay itinapon ni Dennis ang kanyang chewing gum habang idinikit ng classmate ang gum nito sa kahoy.


Itinapon din ni Dennis ang kahoy sa basurahan.


Nagsumbong ang isang kaklase sa kanilang guro sa pagnguya ng gum ni Dennis kaya nilapitan ito ng teacher, kinuha ang chewing gum na nakadikit sa kahoy at pwersahan umanong ipinasubo sa bata.


Nagbanta rin ang guro na patatalsikin ang biktima sa paaralan.