42 bahay wasak sa buhawi

AABOT sa 42 bahay ang nawasak nang manalasa ang buhawi sa walong barangay sa Lambunao, Iloilo.


Ayon sa Lambunao Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, karamihan ng nawasak na bahay ay gawa sa pawid at kawayan.


Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente nitong Biyernes.


Sinabi sa ulat na kasabay ng malakas na ulan ay nabuo ang buhawi.


Bunsod ng malakas ng bugso ng hangin ay nagbagsakan ang ilang mga bahay sa mga barangay na dinaanan nito.


Lumikas ang mga naapektuhang pamilya at pansamantalang tumutuloy sa mga barangay hall.


Tinatayang nasa P500,000 ang halaga ng nasirang ari-arian, ayon sa Lambunao MDRRMO.