Diwata umamin kay Rendon: Boys na nang-iwan sa akin, nagbabalikan

FLINEX ng foodstall owner na si Diwata na bukod sa mga kamag-anak, nagsisibalikan din ang kanyang mga ex-boyfriends simula nang sumikat ang kanyang negosyo.

Ito ang isiniwalat ni Diwata sa one-one-one interview ni motivational speaker at social media personality na si Rendon Labador nang bisitahin siya ng huli sa kanyang stall sa Pasay nitong Biyernes.

“Ngayon, marami naglalabasan na kamag-anak mo? Marami?” tanong ni Rendon.

“Marami. Hindi lang kamag-anak pati na rin mga dating kong dyowa bumabalik,” sagot ni Diwata.

“Talaga?”

“Oo, ‘yung mga dating hiniwalayan ako, nagpaparamdam. So, ganun ang pinagkaiba ngayon. Kamag-anak dumami, mga lalaki na iniwanan ako noon, nagbabalikan na ulit. Parang nagre-renew na ulit sila.”

“Pero may pag-asa ba ‘yung mga ganoon na nagre-renew?”

“Meron pa naman. Bigyan natin ng chance. Basta walang nagbago sa itsura nila, pogi pa rin, go pa rin!”

“Paano kung pera lang habol sa ‘yo? Kasi yumaman ka na, dati walang-wala ka hiniwalayan ka e.”

“Wala pa naman akong pera. Sila muna peperahan ko.”