Vilma sa fans: Please stop bashing Nora!

PINAGALITAN ni Vilma Santos ang kanyang mga fans na patuloy na bina-bash si Nora Aunor sa pagkakahirang dito bilang National Artist.

Ayon sa isang source ng PUBLIKO, ginawa ni Vilma ang panenermon sa kanyang mga tagahanga sa isang Facebook private group chat.

Sey ng tinaguriang Star for All Seasons: “Vilmanians!! Pls stop!! Count your blessings!! Congratulate the winners!!”

Idinagdag ni Vilma na mas maraming dapat ipagpasalamat siya at ang mga fans niya kaya: “Stay happy and healthy! Thank God for that!!”

“Love you all forever my vilmanians!!” mensahe pa ni Vilma sa mga fans.

Bago ito ay pinakalma na ng dating gobernador ng Batangas, mayor ng Lipa City, at kinatawan ng 6th district ng lalawigan ang kanyang mga tagahanga na nalungkot dahil hindi siya nabigyan ng katulad na pagkilala.

“Huwag na kayo maging malungkot. Naniniwala ako na sa mundong ito, if anything is meant to happen, it will find its way. And yes, there is always a time for everything,” ani Vilma.

“Maraming salamat sa inyo dearest Vilmanians sa patuloy at walang humpay ninyong pagsuporta sa akin,” dagdag niya.

“Isang pagpupugay ang dapat natin ibigay sa ating bagong set of National Artists. Bawat isa sa kanila ay may angking galing at talino na lubos na kahanga-hanga. I sincerely congratulate all of them,” sabi pa ni Vilma. “Mabuhay kayo mga Vilmanians!”

Matatandaan na nagsimula ang rivalry ng dalawang premyadong aktres noong 1970s at nagpatuloy hanggang early 1990s.