Vilma nilinis si Luis sa investment issue: Hindi scammer ang anak ko

LUMULUHA na ipinagtanggol ng Star For All Seasons na si Vilma Santos ang anak na si Luis Manzano na ngayon ay nasasangkot sa umano’y gas station investment scam.

Sa panayam ni Boy Abunda, iginiit ni Vilma na hindi scammer si Luis.

“Ang anak ko tumutulong, hindi nanloloko. Kaya ‘yung mga nagsasalita, naghuhusga sa kanya, dahan-dahan lang kayo. Walang ibang nakakakilala sa anak ko kundi ako. And I know he’s such a good person,” aniya.

Panalangin niya sa Diyos, bigyang-lakas si Luis para malagpasan ang kinahaharap nitong gusot.

“Diyos ko. Oh Lord, oh my God. At this point, I’m just asking for guidance not even for myself but for my children,” aniya.

Pakiusap pa ng veteran actress sa mga umaakusa kay Luis: “Ako na lang. Huwag ang anak ko, ako na lang.”

Noong isang linggo ay nag-isyu ng subpoena ang National Bureau of Investigation kay Luis makaraang ireklamo ng mga investors ng Flex Fuel Petroleum Corp.

Itinanggi naman ng Flex Fuel management na in-estafa nila ang mga complainant pero inamin na naapektuhan ng pandemya ang kanilang negosyo.

Inihayag naman ni Luis na noon pang February 2022 ay nagbitiw na siya bilang chairman of the board ng kumpanya at may utang pa itong P66 milyon sa kanya.