Vice Ganda bawal nga ba sa KMJS?

KUNG ang veteran host at entertainment columnist na si Cristy Fermin ang paniniwalaan, walang plano si Jessica Soho na i-guest sa kanyang show na “Kapuso Mo, Jessica Soho” si Vice Ganda.

Sa kanyang programang “Cristy Ferminute” sa radyo, sinabi ni Cristy na isiniwalat ng kanyang source na hindi bet ni Jessica na i-feature si Vice sa show.

“I’m sure ‘Nay, Ms. Jessica Soho will decline. Pinsan ko ang make-up artist ni Ma’am Jessica, ayaw niya,” ani Cristy na sinabi umano ng kanyang source.

“Hayan dito ninyo na po narinig, ayaw ni Jessica Soho na mag-guest sa kanyang programa si Vice Ganda,” dagdag niya.

Matatandaan na nagkaroon ng sama ng loob si Jessica kay Vice nang gawing biro siya ng huli sa 2013 concert nito na “I-Vice Ganda Mo Ako” sa Araneta Coliseum.

“Ang hirap nga lang kung si Jessica Soho magbo-bold. Kailangan gang rape lagi. Sasabihin ng rapist, ‘Ipasa ang lechon.’ Sasabihin naman ni Jessica, ‘Eh nasaan yung apple?’” chika ni Vice.

Agad namang naglabas ng official statement si Jessica na kinondena si Vice.

“Rape is not a joke and should never be material for a comedy concert,” sabi nito.

Sa kasalukuyang collaboration ng ABS-CBN at GMA 7 ay nagpahiwatig si Vice kamakailan na gusto niyang mag-guest sa isang programa ng Kapuso network pero hindi niya binanggit kung ano.

Maraming netizens naman ang naghaka-haka na “KMJS” ito dahil sa nangyari sa pagitan nina Vice at Jessica 10 taon na ang nakararaan.