Vhong dismayado sa arrest warrant

INAMIN ni TV host-comedian Vhong Navarro na dismayado siya sa nangyayari sa kasong akala niya ay tapos na.

Ngayong Lunes ng umaga ay sumurender sa National Bureau of Investigation si Navarro at nagpiyansa ng P36,000 para sa kasong acts of lasciviousness na isinampa laban sa kanya ng modelong si Deniece Cornejo.

Sa isang panayam matapos maglagak ng piyansa, sinabi ni Navarro na nalulungkot siya dahil tila “nababaliktad” siya gayong siya ang biktima.

“Yun nga ang nakakalungkot kasi for how many years ang akala namin nila attorney tapos na, patapos na. Kaya nagulat kami nang after ilang years parang eto uli nabuhay at parang ako pa ‘yung nababaligtad…ako ‘yung biktima,” aniya.

Idinagdag niya na nahihirapan din siyang paniwalaan ang nangyayari dahil “mula noong 2014 inilahad ko ‘yung lahat ng nangyari, wala akong tinago, sinabi ko lahat.”

“Alam ng Panginoon ‘yon na nagsasabi ako ng totoo. Kaya ngayon ang bigat ng loob ko, parang bakit ganito…binabaliktad ka,” pahayag pa ni Navarro.