Sorbetero binigyan ni Kim Chiu ng P20K

UMABOT sa P34,300 ang naipamigay na ayuda ni Kim Chiu sa mga vendors sa loob ng UP Diliman campus.

Isa sa mga vendors na nabiyayaan ni Kim ay ang sorbetero na nabigyan ng P20,000.

Sa video na ipinalabas sa “Its Showtime,” mapapanood si Kim na lumapit sa grupo ng mga nagtitinda at inabutan ang mga ito ng pera.

Ang pera ay mula sa napanalunan sa segment ng show na “Palarong Pang-Madla.”

Si Kim naman ang napili ng “Its Showtime” na magbahagi ng pot money sa mga nangangailangan.

Kuwento ni Kim, naisip niyang ang mga vendors sa UP campus sa Diliman ang bigyan ng ayuda dahil madalas siyang mag-jogging sa lugar.

Hindi naman makapaniwala ang sorbetero nang abutan siya ng pera ni Kim.

“Seryoso, ma’am?” tanong ng vendor. “Malaking tulong ‘to sa pamilya ko, sa araw-araw naming gastusin.”

Inilahad ng vendor kay Kim na kumikita lamang siya ng P200-P500 kada araw sa paglalako ng ice cream.