Ricci gagawing endorser ng laundry detergent?

KUNG ang veteran showbiz columnist at host ang paniniwalaan, plano ng isang advertising agency na kunin ang serbisyo ni Ricci Rivero para gawing endorser ng sabong panlaba.

“Naku ewan ko kung totoo o hindi ito…mayroon daw isang ahensya na interesado para kuning endorser o brand ambassador ng isang detergent product (si Ricci),” ani Cristy sa latest episode ng “Cristy Ferminute.”

“Ang ganda n’yan kapag nagkatuluyan ‘yan. Biruin mo ‘yung negative turn to positive, hindi ba?” sabat naman ng co-host niya na si Rommel Chika.

“Tama ka diyan. ‘Yun ang blessing in disguise na tinatawag,” segunda ni Cristy.

Matatandaan na ginawang katatawanan ng publiko si Ricci makaraang isiwalat ng ex-girlfriend niyang si Andrea Brillantes na may dati itong karelasyon na hindi nagpapa-laundry nang isang taon.

“Minsan kung hirap kang mag-move on, kailangan mo talagang isipin ang mga bagay na, ‘Talaga ba? Iiyakan ko ba ‘yung lalaking hindi nagpapa-laundry nang isang taon?’ Ganoon,” pahayag ni Andrea sa panayam ni Vice Ganda.

Walang binanggit na pangalan si Andrea pero ipinalagay ng netizens na si Ricci ang tinutukoy ng aktres.