Pilipinas Got Talent finalist timbog uli sa droga

SA ikalawang pagkakataon sa loob ng siyam na buwan ay naaresto si Pilipinas Got Talent Season 6 finalist na si Mark Joven Olvido sa buy bust operation sa Sta. Cruz, Laguna.

Ayon sa ulat, nasakote si Olvido, 32, makaraang bentahan umano ng P500 halaga ng shabu ang poseur-buyer cop nitong Biyernes ng gabi.

Maliban sa marked money, nakumpiska sa suspek ang P85,000 halaga ng shabu.

Tiniktikan ng mga operatiba ng Drug Enforcement Unit si Olvida makaraan nito umanong muling magbenta ng droga ilang buwan matapos makalaya sa kulungan.

Unang naaresto si Olvido noong Mayo 14, habang pumapasada ng tricycle sa Brgy. Duhat, Sta. Cruz, Laguna.

Nang sitahin at kapkapan, nakuha sa kanya ang P2,000 ng halaga ng shabu.
Nakalaya naman agad ang suspek dahil sa plea bargaining agreement.