Pamilya ni Pokwang hindi boto kay Lee O’Brien?

KUNG paniniwalaan ang mga chika sa vlog ni Cristy Fermin, hindi umano boto ang pamilya ng komedyanang si Pokwang sa dating live-in partner nito na si Lee O’Brien.

Sa latest episode ng “Showbiz Now Na,” pinag-usapan nina Cristy at co-host Rommel Chika ang isyu ng hiwalayang Pokwang at Lee.

Ayon kay Rommel, hindi gusto ng mga kaanak ni Pokwang ang American BF nito dahil wala itong trabaho.

“Parang ang nangyari e ‘you and me against the world’ na parang hindi boto lahat ng kapamilya ni Mama Pokwang doon sa asawa niya kasi walang trabaho,” sey ni Rommel.

“Ang akala nila dahil foreigner e makakatulong sana. Kaso ang nangyari, parang si Pokwang pa ang kumikilos sa ikabubuhay ng kanilang pamilya,” dagdag niya.

“Sa madaling salita, parang pabigat pa si Lee, ganun,” sundot naman ni Cristy.

“Ito nga ‘yung mga lumulutang na kwento– tamad daw si Lee O’Brian. Tamad. Kumbaga, si Pokwang talaga ‘yung nagtatrabaho, ‘yung kumikilos para sa kanilang pamilya,” pagdidiin pa ni Cristy.

Nitong Lunes ay kinumpirma ni Pokwang na hiwalay na sila ng ama ng kanyang anak na si Malia, pero nananatili silang magkaibigan.

Hindi naman ibinunyag ng Kapuso comedienne ang dahilan ng break-up.