Pamamaos ni Willie kapansin-pansin na

MAY bagong “constructive criticism’ ang vlogger at talent manager na si Ogie Diaz sa isa sa mga shows ng ALLTV.

Sa kanyang online talkshow, sinabi ni Ogie na kapansin-pansin ang paos na pagsasalita ni Willie Revillame sa game show nitong “Wowowin.”

“Nahahalata na. Garalgal na ‘yung boses niya. Tapos paminsan-minsan, paminsan-minsan lang naman, hindi malinaw ‘yung mga words na lumalabas sa bibig niya. Yung pagbasa niya, medyo kinakain na,” obserbasyon ni Ogie.

Paliwanag ng talent manager, hindi niya pinipintasan si Willie kundi inilalahad lang niya ang concern para rito.

“Eto constructive ‘ha. Baka kasi hindi rin masabi ng iba o nahihiya na sabihin kay Kuya Wil. Baka natatakot sila kay Kuya Wil, baka mawalan ako ng trabaho, ‘pag diniretso natin si Kuya Wil,” aniya.

“Nagsasalita tayo ngayon kasi concern tayo. Kung hindi tayo concern kay Kuya Wil, pupurihin ko siya nang pupurihin. Hanggang sa mga tao na ang makapansin na ‘Hala, bakit ganun na si Wil, wala nang boses, nagso-show pa rin?'” sabi pa ni Ogie.

Kamakailan ay na-bash nang husto si Ogie makaraang niyang punahin ang hindi-kagandahan na audio sa launch ng ALLTV noong Setyembre 13.