Operasyon kay Pen tagumpay: ‘Salamat sa publiko’

TODO-PASALAMAT sa publiko at sa kanyang mga doktor ang veteran actor na si Pen Medina sa matagumpay na operasyon sa kanyang gulugod.

Mismong si Pen ang nagbigay ng update sa kanyang kondisyon sa kanyang Facebook page.

“Praise God for making my spinal surgery safe and successful,” aniya.

Nagpasalamat din si Pen sa kanyang medical team na “walang sawa at walang pagod na pagtulong at pag-alalay sa amin.’

Idinagdag naman ng veteran actor na kailangan pa niya ng dasal. “Hindi pa po tapos ang aking laban, I will be needing more prayers as my medical team addresses the accompanying infection,” pahayag ni Pen.

“Marami pong salamat sa lahat ng nagdasal at patuloy na nagdadasal para sa akin. Marami pong salamat!”

Matatandaan na nanawagan ng panalangin at tulong pinansyal ang pamilya ni Pen para sa kanyang operasyon dahil naubos umano ang kinita nito sa pag-aartista mula nang magkapandemya.