Juliana kay Vice: Inidolo, tiningala kita, bakit mo ako ginaganito?

NAGHIHINAKIT pa rin ang komedyanteng si Juliana Parizcova Segovia sa pagtawag sa kanyang troll ni Vice Ganda.

Sa panayam ng isang online news site, isiniwalat ni Juliana, solid supporter ni presidential race frontrunner Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na masama ang loob niya dahil ipinamukha sa kanya ni Vice ang kanyang pagiging mahirap.

“Kahit sino pwedeng mang-api ng mahirap. (Pero) nagulat lang po ako na sa isang nagmula rin sa kahirapan at iniidolo ko pa manggagaling ang mga ganoong salita,” ani Juliana sa panayam.

Iginiit niya na porke hindi pareho ang paniniwala nila ni Vice, na ikinakampanya si Vice President Leni Robredo, ay isa siyang troll.

“Hndi po lahat ng mahirap na gustong manindigan ay kumakapit sa patalim. Hindi po pagkapit sa patalim ang magkaroon ng sariling opinyon,” aniya.

Idinagdag naman ni Juliana na hindi naman siyang lubusang naapektuhan ng sinabi ni Vice.

“Hindi naman po ako pinadapa ng mga sinabi niya. Nasaktan lang po ako dahil inidolo at tiningala ko siya. Hindi po ako makapaniwala na ganito pala, na ganito lang ang tingin niya sa akin at puwede pala na mangyari ito,” aniya sa panayam.

Matatandaan na sa isang episode ng “It’s Showtime” ay isiniwalat ni Vice na mayroon siyang kakilala na dahil sa kahirapan ay kumapit sa patalim at naging troll.

“Trabaho, kasi wala siyang pera, e. So, iyon ‘yung effect, ginawa niya ‘yun, kumapit siya dun kahit mali, kasi kailangan niya ng pera dahil naghihirap siya,” sabi ni Vice na walang binanggit na pangalan.

Pero kahit hindi pinangalanan, sinabi ni Juliana na siya ang tila pinariringgan ng sikat na TV host-comedian.