Jake Zyrus na-depress sa lagay ni Celine Dion

NAAPEKTUHAN nang masyado ang singer na si Jake Zyrus nang malaman na may malubhang sakit ang idolo niyang si Celine Dion.

Ayon kay Cristy Fermin, naibalita sa kanya na nagkaroon ng anxiety at depresyon si Jake dahil sa lagay ni Celine.

“Masyado po daw na nakakaramdam ng depresyon, anxiety at kalungkutan talaga sobra si Jake Zyrus ngayon,” ayon sa batikang kolumnista at host.

“Kaya ‘yung depresyon po niya ngayon, mga ka-chika, ay maiintindihan po natin ‘yun dahil ito po ang tumatayong inspirasyon niya sa kanyang hanapbuhay,” dagdag ni Cristy.

Naka-duet noon ni Jake sa isang concert si Celine, na kamakailan ay na-diagnose na mayroong“Stiff Person Syndrome” o isang “rare neurological disorder with features of an autoimmune disease.”

Dahil sa pangyayari ay nakansela ang nakatakdang concert sa Europe ng Canadian singing superstar.