Huwag itambal kay Daniel, kondisyon ni Kathryn sa pagpirma ng kontrata?

KUNG ang showbiz columnist at host na si Cristy Fermin ang paniniwalaan, natagalan si Kathryn Bernardo sa pagpirma sa Star Magic ng ABS-CBN dahil sa hiling nito na huwag nang makasama sa anumang proyekto ang ex-boyfriend na si Daniel Padilla.

Sa online show niyang “Showbiz Now Na,” sinabi ni Cristy na ayon sa kanyang source ay may ilang probisyon sa kontrata na ipinabago ang kampo ni Kathryn.

“Ang dami rin pong mga espekulasyon na kaya nagtagal ang pagpirma ni Kathryn dito sa ABS-CBN, may mga binago pala sa kontrata,” ani Cristy.

“May mga clause doon na pinabago ng kanyang abogado at ng kanyang mga magulang at ni Kathryn na mismo. Ang isa sa mga sinabi ng aming source na mga pinabago katulad ‘yung siya na ang pipili ng gusto niyang maging leading man sa teleserye o pelikula na gagawin niya sa kompanya,” dagdag niya.

“At isa pa, sigurado ‘yung aking source sa kanyang sinabi na isa sa mga pinabago niya, wala muna silang gagawing proyekto ni Daniel Padilla,” sambit pa ng kolumnista/host.

Matatandaan na nitong Biyernes, February 2, ay muling lumagda ng kontrata si Kathryn sa Star Magic, ang talent management arm of ABS-CBN, kaya natapos na ang mga haka-hakang na aalis na sa poder ng Kapamilya Network ang aktres.