Ex-sexy star inokray sa Rico Yan revelation: ‘Patahimikin na ang patay’

IISA ang sentimento ng netizens ukol sa pasabog na rebelasyon ng dating sexy star na si Sabrina M na siya ang huling girlfriend ni Rico Yan bago sumakabilang-buhay ang aktor.

Litanya ng publiko:

“My gawd! bakit need pa i-chika yan eh matagal ng nakahimlay si Rico. please leave him in peace.”

“Patahimikin nyo na ang patay grabe.”

“Susme, tama na! So ano, papa-spirit of the glass si Boy Abunda para makausap si Rico? Anubeh, tigilan na nga yan! Chismosa ako pero may pag more than 10 years na ang ungkatan at patay na ang involved, preno na ako, hahaha!”

“I feel bad for rico, tagal na niyang wala, nagagamit pa din sya.”

Sa presscon para sa pelikula niya, isiniwalat ni Sabrina na naging magkarelasyon sila ni Rico nang makipaghiwalay ang aktor kay Claudine Barretto.

“About nung kay Rico Yan: oo, bata pa kami nyan. Ang image niya kasi is wholesome e, ako nagpapasexy ako nuon sa pelikula. So, kung nagka-issue kaming dalawa, maraming masasabi sa akin. So better kung ano man ‘yung nagkaroon kami ng relasyon, itinago na lang namin yun,” aniya.

“Ito po yung first time na umamin ako,” dagdag niya.

Kuwento pa niya: “Napakabait ni Rico Yan. After Claudine, naging kami ni Rico Yan. Matagal kaming nagkarelasyon. Taon. Noong nag-uumpisa na ‘yung tsismis sa akin, dinudurog na agad ako. Rico Yan yan e. Bakit siya pumatol sa isang sultry star? Bakit siya pumatol sa isang hubadera?”

“Pero believe ako kay Rico dahil hindi siya mapanghusga. Pinagtatanggol pa niya sa ibang tao. Sinasabi niya kilala ko si Sabrina M, kaya huwag ninyo siyang i-judge,” sambit pa ng aktres.

Wala rin daw nangyaring kumprontasyon sa pagitan nila ni Claudine.

Sey pa niya, alam ng kuya ni Rico na si Bobby ang tungkol sa kanila.

“Nung ipapasok na siya (Rico) (sa puntod) inabutan niya (Bobby) ako ng bulaklak para maiabot kay Rico,” sabi ni Sabrina.

Hindi rin daw niya makakalimutan si Rico dahil naging parte ito ng kanyang buhay.