Bea, Dominic hiwalay na, ayon sa source ni Ogie Diaz

MAGKAKAIBA ang sinasabi ng mga sources ng talent manager-vlogger na si Ogie Diaz ukol sa relasyon nina Bea Alonzo at Dominic Roque.

Sa online show na Showbiz Update, sinabi ni Ogie na napag-alaman niya na tuloy ang nakaplanong destination wedding nina Bea at Dominic sa Madrid, Spain.

“Ang nakarating sa akin, September ang kasal. Ang sabi sa akin ha, sa Madrid, Spain ang kasal,” aniya.

Isa pang source naman ang nagkumpirma na hindi hiwalay ang dalawa.

“Yung isa sinasabi sa akin na tuloy naman daw ‘yung kasal pero baka lang daw may wedding jitters si Bea. Tapos ‘yung isa naman nagsabi na ayaw munang i-discuss ni Bea.

Gusto niya kasi may mystery hanggang sa maikasal sila’,” dagdag ni Ogie.

Sa kabila nito, may isa pang source ang talent manager ang nagsiwalat na ilang linggo nang hiwalay ang celebrity couple.

“Sabi ng isa kong source, wala na sila, hiwalay na sila. Yung Japan nila, huling post na nila ‘yun. Wala na, kaya inaabala na lang ni Bea ang kanyang sarili. Binu-busy na lang daw ni Bea ang kanyang sarili” pahayag niya.

“[Pero] sinusuyo pa rin ni Dominic Roque si Bea Alonzo para sila ay magkaayos,” dagdag ni Ogie.

Matatandaan na kumalat ang chika na wala nang matutuloy na kasalan makaraang mapansin ng netizens na hindi na isinusuot ni Bea ang kanyang engagement ring at hindi na rin nila nila-like ni Dominic ang kani-kanilang social media post.

Lalo pang uminit ang tsismis nang ihayag ni Bea sa isang panayam na wala pang plano ukol sa kasal nila ni Dominic na nakatakda na ngayong taon.