‘Anak’ kay Richard Yap: Magpakalalaki ka kahit minsan lang

NAGLABAS ng sama ng loob sa social media ang isang lalaki na inaangking ama ang actor-politician na si Richard Yap.

Ginawa ni Joshua Paolo Jensen ang pagra-rant makaraang sumampa sa korte ang paternity suit na inihain niya kay Yap.

“Alam naman naten yung totoo, hindi mo lang matanggap sa sarili mo. Hinahamon kita mag pa DNA test, ayaw mo. Bakit? Takot ka malaman nilang lahat?” ani Jensen sa Facebook.

Paliwanag niya, ilang beses na niyang sinubukang kausapin ang aktor pero palagi umano itong umiiwas.

“Sana naman magpakalalaki ka kahit minsan lang, alam mo matagal ka na namin hinahanap para makausap ng maayos, kaso wala e, puro ka iwas,” dagdag niya.

“Hinintay mo pa dumating sa puntong to. Ngayong dumating na, siguro oras na din para magkaharap-harap tayo, para malaman na din nila kung ano ba talaga yung totoo. Wag ka mag alala, si Lord na bahala sa lahat,” sabi pa ni Jensen.

Matatandaan na noong isang taon ay sinubukang lapitan ni Jensen si Yap nang maghain ito ng kandidatura bilang kongresista ng Cebu City.