AJ Raval kinontra si Cristy Fermin: Hindi ako buntis!

ITINANGGI ng sexy star na si AJ Raval na nagdadalang-tao siya at ang rumored boyfriend na si Aljur Abrenica ang ama.

Ginawa ni AJ ang denial sa text message sa entertainment reporter ng TV5 na si MJ Marfori.

Itinanggi rin ni AJ kay Marfori na umalis sa isang ginagawang proyekto dahil buntis siya.

Aniya, natigil lamang ang shooting ng pelikula dahil nagkaroon siya at ang ibang kasamahan ng Covid-19.

Matatandaan na inanunsyo ni Cristy Fermin sa kanyang online talk show nitong Martes na buntis si AJ at kinumpirma umano ito ng mga taong malalapit sa dalaga.

“Hindi po kasi makapagsisinungaling ang mga taong malapit sa kanila, na aming source tungkol sa isyung ito. Totoo po na nagdadalang-tao si AJ,” giit ng veteran show biz writer at host.

“Kaya ‘yung pelikula niyang sinimulan, hindi na itinuloy. Naaano lang ba ako, sayang ‘tong batang ito,” aniya.

Nangangamba naman si Cristy ay baka sampahan ng kasong adultery ang dalawa ng asawa ni Aljur na si Kylie Padilla

“Ang nakakanerbyos, baka mamaya ay may magsulsol kay Kylie Padilla. Hindi pa napapawalang-bisa ang kasal nila (ni Aljur).”