2 anak ni Vhong ‘broken’ sa sinapit ng ama

BROKEN” ang dalawang anak ni TV host-comedian Vhong Navarro nang malaman na nakapiit ito sa National Bureau of Investigation-Security and Management Section (NBI-SMC).

Ito ang inihayag ng asawa ni Vhong na si Tanya Winona Bautista-Navarro nang humarap sa press nitong Miyerkules ng gabi.

Ayon kay Tanya, kinakausap niya nang masinsinan ang mga anak ni Vhong Fredriek at Yce Navarro Martes ng gabi, ilang oras makaraang ilabas ang warrant of arrest laban sa asawa para sa kasong rape.

“Pag-uwi namin, hindi ko naman sila agad nakausap. Nung finally, nakausap…ni-relay ko sa kanila. Siyempre, broken,” aniya.

Dagdag niya na kung si Vhong daw ang masusunod, poprotektahan niya ang mga anak sa mga ganitong pangyayari.

Alam naman ni Tanya na mababasa ng mga anak sa social media ang mga nangyayari sa ama, “but it has to come from me para maintindihan nila kung ano ang nangyayari.”