Misis natatakot para sa buhay ni Vhong Navarro

INAMIN ng asawa ni Vhong Navarro na si Tanya Winona Bautista-Navarro na nag-aalala siya sa seguridad ng host-actor sakaling ilipat ito sa Taguig City Jail.

Humarap si Tanya sa mamamahayag nitong Miyerkules ng gabi at sinabing nakakapag-usap sila ni Vhong na nakadetine sa National Bureau of Investigation-Security and Management Section (NBI-SMS).

“Sobrang positive siya kasi nilu-look forward niya na pupunta ako today. Pero bago ako umalis, parang bigla na lang siyang nag-start maging emosyonal,” aniya.

Dahil dito, minamadali na nila ang pagsasampa ng petition for bail upang pansamantalang makalaya ang mister.

Dagdag ni Tanya, natatakot din ang kanilang kampo para sa buhay ng asawa lalo at pinamamadali na ang paglipat dito sa Taguig City Jail.

“Lalaban kami, may case na, e. Lalaban kami at alam ko mapapanalo namin ‘to. But for the meantime, at least yung security niya, natatakot ako for him pag malipat siya sa Taguig,” pahayag niya.

Sa kasalukuyan ay hinihintay pa ng NBI ang commitment order mula sa korte para mailipat na ng piitan si Vhong.

Sinampahan ng mga kasong acts lasciviousness at rape, isang non-bailable crime, si Vhong ng modelong si Deniece Cornejo noong 2014.