Pari arestado sa panggagahasa sa dalagita

SHOOT sa kulungan ang isang pari sa Solana, Cagayan dahil sa paulit-ulit umano nitong panggagahasa sa dalagitang youth minister ng simbahan.

Kinilala ang pari na si Rev. Fr. Karole Reward Israel, assistant parish priest ng St. Vincent Ferrer sa Solana at residente ng Brgy. Tucalana, Lal-lo, Cagayan.

Ayon sa biktima, 16, hindi niya agad isinumbong ang pari dahil natatakot siya sa banta nito na ikakalat ang video na kinuhanan nang palihim nang una siyang gahasain.

Sinabi ng biktima na una siyang pinagsamantalahan ng pari sa isang motel noong Pebrero.

Ilang beses na naulit ang panggagahasa sa motel, sa sasakyan ng suspek at sa loob ng mismong simbahan.

Matapos ang pinakahuling insidente nitong Oktubre 15 ay nagdesisyong isiwalat ng biktima sa kanyang mga guro ang ginagawa sa kanya ni Israel.

Humingi naman ng tulong ang mga guro sa National Bureau of Investigation na nagsagawa ng operasyon laban sa pari.

Nang isakay ni Israel ang dalagita sa kanyang sasakyan nitong Martes ay sinundan ito ng mga ahente ng NBI.

Agad dinamba ng mga ahente ang suspek nang iparada nito ang sasakyan sa isang madilim na bahagi ng Brgy. Iriga.

Nahaharap sa mga kasong pag­labag sa R.A. 7877 o Anti Se­xual Harassment Act, R.A. 9262 o Violence Against Women and their Children Act, R.A. 9995 o Anti-Photo and Video Voyeurism Act, at R.A. 7610 o Child Abuse ang pari.