Parak naadik sa sabong, nagnakaw ng motor ng brgy. chairman

SHOOT sa selda ang pulis na nagnakaw umano ng motorsiklo sa Pototan, Iloilo nitong Martes ng madaling araw.

Ayon sa ulat, nasakote si Cpl. Darryl Dumaraog, 34, ng Regional Mobile Force Battalion-6 sa Calinog, Iloilo, sa follow-up operation.

Base sa reklamo ni Nicky Pescuela, 39, chairman ng Brgy. Lopez Jaena, naglalakad siya papunta sa kanyang motorsiklo makaraang mag-jogging nang makitang itinatakbo ito ng suspek.

Tinangka pa niyang habulin ang suspek pero pinaharurot nito ang takbo.

Nakilala naman ni Pescuela ang suspek sa mga kuha ng CCTV sa lugar.

Sa presinto, todo-tanggi ang suspek sa akusasyon.

Hindi pa nababawi ng biktima ang motorsiklo.

Napag-alaman naman na lubog sa utang ang suspek dahil sa pagkagumon nito sa online sabong.

Hindi rin umano nakababayad ng renta sa tinutuluyang bahay ang suspek na nahaharap sa kasong carnaping.