Pamilya ng mayor hinostage ng driver

HINOSTAGE ang asawa at mga anak ni Dauin, Negros Oriental Mayor Galic Truita ng kanilang driver nitong Sabado.

Inabot ng mahigit walong oras bago pinakawalan ni Venirando Dalope ang asawa ni Truita na si Maricar at tatlong anak, ayon sa pulisya.

Hindi naman sinaktan ni Dalope, na armado ng baril, ang mag-iina.

“The hostage crisis at the residence of Mayor Galic was properly managed by the PNP personnel together with other government agencies. No one was hurt, both from the hostages and the hostage-taker. This is a manifestation of good collaboration among government agencies,” ani Col. Jonathan Pneda, provincial director.

Ayon sa ulat, nagsimula ang hostage drama alas-9 ng umaga.

Nagbanta umano ang suspek na gagamitin ang baril kung magtatangkang lumabas ng kanilang bahay sa Brgy. Masaplod ang mag-iina.

Agad namang humingi ng tulong sa pulisya si Truita nang malaman ang pangyayari. Nasa Maynila ang alkalde nang maganap ang hostage-taking.

Matapos ang ilang oras na negosasyon ay sumuko ang suspek.

Hindi naman sinabi ng pulisya kung ano ang nagtulak sa suspek na i-hostage ang mga amo.