4 Chinese patay sa Lapu-Lapu City shootout

APAT na Chinese na sangkot umano sa pagdukot ng kapwa nila Chinese sa Visayas region ang nasawi matapos makipagbarilan sa mga pulis nitong Lunes.

Ito ang kinumpirma ngayon ni PNP Officer-in-charge Lt. Gen. Vicente Danao base sa report ng PNP Anti-Kidnapping Group hinggil sa pagdukot sa Chinese na si Lyu Xingou noong May 25, 2022 sa barangay lahug, Cebu City.

Dinukot si Lyu ng apat na Chinese rin na sina Jinming Gong (Guangdong, China), Yiping You (Fujian, China), Fengqiang Li (Shandong, China), and Heng Lin (Fujian, China).

Ayon sa report, papasok sa trabaho ang biktima sa Mactan Newtown comples sa Lapu-Lapu City nang tutukan ng mga suspek at saka isinakay sa hindi plakadong itim na Toyota Innova.

Nagdemand ang mga suspek sa pamilya ng biktima ng 1 milyon RMB, ngunit tanging 500,000RMB lang ang naibyad nito sa pamamagitan ng WeChat payment portal.

Dito na natunton ng pulisya ang grupo, at ikinasa ang rescue operation nitong Lunes ng gabi Block 9, Lot 14, Sevilla St., Aldea del Sol Subd., Brgy. Bangkal, Lapu-Lapu City.  

Nang papasukin na ng pulisya ang bahay, nagpaputok umano ang mga suspek dahilan para paputukan din ang mga ito. Nasawi sa operasyon ang mga suspek. -JOHN ROSON