19-anyos nagbebenta ng ‘dirty videos,’ dinakip ng NBI

HULI sa entrapment operation ang teenager na umano’y ibinebenta ang sarili at mga videos niya na nakikipagtalik sa mga lalaki sa Mambaling, Cebu City nitong Biyernes.

Ngayong araw, ayon sa National Bureau of Investigation Anti-Human Trafficking Division, ay nakatakdang sampahan ng reklamo sa piskalya ang suspek, 19, residente ng Brgy. Bulacao, Cebu City.

Nasakote ang suspek makaraan niya umanong ibugaw ang kasama niyang menor de edad sa isang undercover agent ng NBI Region 7 sa halagang P2,500.

Habang nakikipagtransaksyon sa agent, ipinakita rito ng suspek ang video niya at ng menor de edad na nagtatalik.

Ayon sa kalatas ng NBI Region 7, ibinebenta rin ng suspek sa presyong P200 ang access sa kanyang private Twitter account kung saan mapapanood ang mga mahahalay nitong videos.

Sa kasalukuyan ay binubusisi na ng NBI ang computer data ng suspek.

📷: NBI CEVRO