Padre de pamilya tinodas si misis saka nagkitil

BINARIL at napatay ng padre de pamilya ang kanyang maybahay nitong Sabado sa Cuenca, Batangas.

Ayon sa ulat ng pulisya, sabay na bumaba ng kanilang owner-type jeep ang mag-asawang Candido at Elsa Mendaña alas-7 ng umaga malapit sa kanilang bahay sa Brgy. Balagbag.

Maya-maya ay nakita na lang ng mga kapitbahay ang ginang na tumatakbo palayo sa kanyang asawa habang humihingi ng tulong dahil papatayin umano siya nito.

Hinabol ni Candido ang asawa at nang maabutan ay binunot niya ang kanyang kalibre .45 pistola at binaril ang asawa sa likod. Dead on the spot ang biktima.

Nang makitang wala nang buhay si Elsa ay itinutok ni Candido ang baril sa kanyang sentido saka kinalabit ang gatilyo.

Blangko pa ang pulisya sa motibo sa murder-suicide.