Pinay sa US kulong sa tangkang paglason sa mister

HINATULAN ng dalawang taong kulong ang Pinay sa Arizona, USA makaraan niyang pagtangkaan ang buhay ng mister, isang US Air Force member.

Humarap si Melody Johnson, 40, sa Arizona Superior Court at inamin na nilagyan niya ng clorox ang kape ng asawang si Roby Johnson.

Nahuli ng CCTV, na ikinabit ng biktima sa kanilang bahay sa Tucson, ang ginawa ng ginang.

Ayon sa mister, matagal na niyang pinaghihinalaan ang Pinay na nilalason siya kaya nagkabit siya ng mga security cameras.

Makikita sa footage na kuha noong July 16, 2023 na binubuhusan ni Melody ng bleach ang coffeemaker ng biktima.

Makaraang makumpirma ang hinala, inireklamo ng mister si Melody na agad inaresto at kinasuhan ng attempted murder.

Saad ng biktima, nilalason siya ng asawa para makuha nito nang buo ang mga benepisyo niya mula sa US Air Force.