‘Babae’ ni Zoren lumantad: ‘Sobrang bait niya’

GALAK na galak ang Baguio City resident na si Yhen Yhentot nang malaman na viral ang mga larawan na kasama niya ang aktor na si Zoren Legaspi.


Pero agad napalitan ng pagkadismaya ni Yhen nang malaman na dahil magkayakap sila sa isa sa mga larawan ay inakala ng ilang netizens na “babae” siya ng mister ni Carmina Villaroel.


Pagkaklaro niya, fan lang siya ni Zoren.


Nagsimula ang intriga nang ipost ni Yhen sa Facebook page niya ang mga photos nila ni Zoren na kuha sa Baguio City.


Caption niya: “Thank you sir Zoren Legaspi sa rides at sa paghatid ng Baguio.”


Paglilinaw ni Yhen biro lang ang nasabing caption.


Kuwento niya, throwback photos ang mga viral na larawan na kuha pa noong kasagsagan pa ng pandemya.


“FYI… tatlo po kame jan at super throwback po jan nung pandemic pa,” sambit ni Yhen. “Natsambahan nmen si idol mag isa jan and not knowingly na si lodi zoren po pala kasi nkafocus kame sa bigbike nya,” dagdag niya.


“Nagpaalam kame to take pictures po sa bigbike nya… ginawa pa nga nmen na photographer sya kasi di tlga nmen alam na sya si zoren… nang inalis helmet nya tsaka namen narecognized na si idol zoren po pala sya,” sabi pa ni Yhen.


Ayon pa rito, sobrang bait ni Zoren at hindi suplado sa mga fans.


Ngayon ay burado na ang nasabing post ni Yhen.