2 Pinoy trans bugbog-sarado sa Bangkok

KINUYOG ng mga ladyboys ang dalawang Pinoy transwomen na umano’y kasamang nambugbog at nangholdap sa isang Thai LGBTQ member sa Bangkok nitong Martes ng madaling araw.

Ayon sa ulat, sumugod sa hotel sa Sukhumvit Soi 11 ang mahigit 100 ladyboys para kumprontahin ang mga Pinoy trans na suspek sa pananakit ng kanilang kabaro.

Sa nasabing hotel diumano naka-check-in ang mga Pinoy na nagtatrabaho rin bilang sex workers.

Habang inilalabas ng mga pulis ang dalawang Pinoy sa hotel ay sumugod ang mga ladyboys at kinuyog ang mga ito.

Walang nagawa ang pulisya sa dami ng mga ladyboys na gumugulpi sa mga Pinoy.

Nailabas naman ang dalawa pero hindi pa rin sila nilubayan ng mga Thai.

Natigil lamang ang bugbugan nang dumating ang mga rumespondeng pulis. Hindi naman sinabi sa ulat ang kondisyon ng dalawang biktima at kung ilan sa mga Thai ladyboys ang dinakip.