Mag-grocery nang libre

BINAGYO ng papuri ang isang religious group sa Las Pinas na namimigay ng libreng grocery items sa mga kapuspalad nilang kababayan.

Ayon kay Lovely Sotto, volunteer ng Members Church of God International (MCGI) sa Pamplona Tres, kahit sino ay pwedeng pumunta sa kanilang tindahan at iuwi ang kanilang kailangan.

“Walang babayaran kahit piso,” aniya. May iba pang sangay ang MCGI Free Store sa ibang panig ng bansa at bukas din sa publiko.

Bumilib naman si Sotto sa ilang mga nagpunta sa tindahan na binilisan ang pagkuha para makakuha rin ang iba pa. “Nakakatuwa ‘yung iba na pumunta kanina kasi sinasabi nila

‘Bibilisan ko lang po kumuha para po makakuha rin yung iba.’ Kahit hirap na sa buhay, iniisip pa rin nila ‘yung kapwa,” aniya sa post sa Facebook noong Sabado.

Idinagdag ni Sotto na noong una ay para lamang ang tindahan sa mga miyembro ng kanilang grupo pero kinalaunan ay nagdesisyon sila na buksan na rin ito sa publiko para matulungan ang komunidad.

Habang isinusulat ang balitang ito ay mayroon nang 36,000 reactions at 29,000 shares ang post. –A. Mae Rodriguez.

Larawan mula sa account ni Lovely Sotto: https://www.facebook.com/lovelyyyregine