QC Circle nagkulay rosas

NAGKULAY rosas ang Quezon City Circle Linggo ng umaga matapos dagsain ng mahigit ng 20,000 supporters ni presidential aspirant Vice President Leni Robredo ang parke para sa kanyang “People’s Proclamation Rally”.

“Kung hindi po ako nagkakamali, parang pangatlo o pang apat ko na ito sa QC memorial circle… Pero walang kapantay ang tao ngayong umaga,” pahayag ni Robredo na hindi rinmakapaniwala sa dami ng dagsa ng kanyang mga tagasuporta.

Inamin din ni Robredo na ang inaasahan lamang nila ay mga 5,000 katao.

“Yung umaga pa lang 5,000 people daw ang expected, sinabihan ko yung team namin wag maglalagay ng 5,000 dahil baka di naman natin makaya yung 5,000. Okay na yung sabihin natin na imbitado yung supporters, pero wag na magsabi ng numero. Mukhang wala sa aking nakinig,” dagdag pa ni Robredo.

“Noong pauwi na kami ng gabi, lalo akong ninerbyos kasi ang nakalagay na, 20,000 na ang expected. Pero mabuti naman pala na hindi sila sumunod. Dahil ngayong araw po, lampas-lampas tayo sa 20,000 people,” ayon pa kay Robredo.