Pacquiao tatanggapin anuman resulta ng eleksyon

HANDA si presidential aspirant Senador Manny Pacquiao sa kung anuman ang magiging resulta ng halalan sa Lunes.

Ayon sa mambabatas, sanay ito sa mga paligsahan.

“Boksingero naman ako, sanay ako sa paligsahan. Kung anumang desisyon ng taong bayan,” sinabi ni Pacquiao.

Ngunit pinalalaahanan niya ang publiko na bumoto ng tama dahil nasa huli ang pagsisisi.

“Ang pagsisi laging nasa huli. Lagi na tayong nagsisi. Kaya ‘wag tayong magsisi ngayon, bumoto tayo ng maayos at tunay na nagmamahal sa bayan,” ayon kay Pacquiao.

Hindi naman ito nawawalan ng pag-asa na mananalo sa halalan at naniniwalang ang laban niya ay laban ng mga mahihirap na Pilipino.

“Sa tingin ko nadama ng mahihirap na tao ‘yung intensyon ko kung bakit lumaban ang Manny Pacquiao. Laban ito ng mahihirap na tao,” sinabi niya.

“Ganoon din ang kumpiyansa ko, alam kong mas maraming mahihirap na nangangailangan kay Manny Pacquiao,” dagdag pa niya.