GMA nakiusap sa Kapampangan: Ipanalo si Bongbong

NGAYON na mahigit isang linggo na lang ang nalalabi bago ang halalan, nakiusap si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa kanyang mga cabalen na ipanalo sina dating Senador Bongbong Marcos Jr. at Davao City Mayor Sara Duterte, sa grand rally ng UniTeam sa Pampanga nitong Biyernes.

“Mahal kong cabalen (kababayan), Kapampangan mga kaibigan, sa ngalan ni Governor Delta Pineda, sa ngalan ni Vice Governor Nanay Baby Pineda, sa ngalan ng apat na congressmen ng Pampanga, sa ngalan ng dalawampung mayor ng Pampanga, ito na po ang susunod na Pangulo ng Republika ng Pilipinas, Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr,” ayon kay Arroyo.

Tumatakbo si Arroyo bilang kongresista sa ikalawang distrito ng Pampanga. Siya rin ang isa sa mga nagsulong ng tambalang Marcos Jr at Duterte.

Pinasalamatan naman ni Marcos si Arroyo at ang mga lokal na opisyal ng probisniya dahil sa suportang kanilang ibinibigay.

“Maraming-maraming salamat Pampanga sa napaka-init na salubong na inyong ibinigay sa UniTeam at sa tambalang Marcos at Duterte. Basta’t magiging totoo ‘yan, basta’t walang iwanan!” pahayag ni Marcos.