Gurang na politiko pinopormahan ‘batang’ campaign volunteer

HANGGANG pala ay wala pa ring kupas ang pagiging mahilig ng isang matandang pulitiko na makailang beses na ring nagpalit ng misis.

Sinabi ng aking spotter na masugid ang ginagawang panunuyo ng ating bida sa isa sa kanilang mga volunteer para sa halalan sa 2022.

Sa kasalukuyan ay kasal pa si Sir sa kanyang ikatlong misis pero wala pa ring palatandaan na nagbago na ito sa kanyang pagiging chickboy.

Bagama’t kulay puti na ang kanyang bigote ay feeling makisig pa rin si Mr. Politician lalo na kapag present sa kanilang opisina ang target niyang binibini.

Nasabi kong ikatlong misis na ang kasalukuyang karelasyon nang pulitikong ito dahil divorced siya sa kanyang unang dalawang misis.

Mautak itong si Sir dahil lahat ng kanyang mga asawa at naging asawa ay sa US niya pinakasalan kung saan ay may divorce.

Bukod nga naman sa sosyal ang dating dahil sa US ang kasalan ay sadyang doon niya ginawa ang kanyang pagpapatali dahil sa kapag nagsawa na siya ay madali siyang makakalas sa kanyang partner.

Ang kanyang ikalawang misis ay dati niyang secretary na umano’y sinulot niya mula sa dating karelasyon.

Makaraang makasal sa loob lamang ng halos tatlong taon ay hiniwalayan rin niya ito nang makilala niya ang isang foreigner na ngayon nga ay kanyang asawa.

Pero sa pagkakataong ito ay tila hindi uubra ang pambobola ng ating bida dahil tinapat na raw siya ng kanilang magandang volunteer na hindi ito interesado na makipag-relasyon sa isang lalaki na halos ay ka-edad na ng kanyang lolo.

Medyo kilala rin ang pulitikong ito na tumakakbo sa isang national position dahil sa pagpapakilala ng kanilang grupo bilang reformist at makabayan kuno.

Mahusay siyang magsalita na akala mo’y naging bahagi ng laban kontra diktadurya noong araw pero sa totoo lang ay keyboard warrior lang siya noong panahon ng martial law.

Di na kailangan ang clue. Kandidato sa medyo mataas na pwesto na puro kayabangan ang laman ng katawan pero tiyak naman na talo sa halalan.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]