Fake watch regalo ni Cong sa constituents

SANGKATUTAK na mga relo sa Greenhills ang binili ng isang mambabatas para sa kanyang mga paboritong barangay chairman.

Sinabi ng aking matabil na spotter na ito ang nakitang paraan ni Sir para makuha ang kiliti ng kanyang mga constituents.

Noong nagdaang halalan, branded na men’s watch ang ipinamigay ni Cong sa ilan sa kanyang mga political leaders sa kanilang lalawigan sa Northern Luzon.

Tuwang-tuwa raw ang mga ito dahil ang buong akala nila ay talagang orig ito at galing sa abroad.

Ang madalas kasing sabihin ni Cong ay galing sa Hong Kong ang kanyang ipinamimigay na relo samantalang ang katotohanan ay galing lamang ang mga ito sa San Juan City.

Hindi rin ito orig kundi “triple A” lamang na nabili niya sa halagang P2,000 hanggang P4,000 depende sa quality.

Ang style umano ni Cong ay isusuot muna nya ang relo sa pagdalo niya sa mga meeting.

Kapag may nakita siyang isa sa kanyang mga supporter ay walang suot na relo ay kaagad daw niyang huhubarin ito at ibibigay bilang isang regalo.

Kapag kinakantyawan ng mga kaibigan ang palaging sagot ni Cong ay “it’s the thought that counts”.

Ang mambabatas na busy sa pamimili ng mga “triple A” o replica watches para sa kanyang mga tagasuporta ay si Cong. C…as in Cong. Concord.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]