Tumangging magsakay, taxi driver binaril

SUGATAN ang isang taxi driver matapos siyang barilin ng isang 64-anyos na lalaki na tinanggihan niyang isakay.

Ayon sa pulisya, pinara ni Dionisio Trube Jr ang taxi ni Daniel Tranquiña sa labas ng isang motel sa barangay Bagong Pagasa nitong Miyerkules, pero tumanggi ang huli dahilan para sila magtalo.

Sa gitna umano ng pagtatalo, bumunto si Trube ng revolver at binaril si Tranquiña sa tiyan.

Isang tricycle driver naman na nakakita sa insidente ang nagsugod sa biktima sa Quezon City General Hospital (QCGH) para malapatan ng lunas.

Mabilis namang naaresto ang suspek na ngayon ay nakakulong sa Quezon City Police at nahaharap sa kasong attempted homicide.