PNP sa killer ni Percy Lapid: Sumuko ka na habang may oras pa

PINASUSURENDER ng pulisya ang pumatay sa radio commentator na si Percival Mabasa, na mas kilala bilang Percy Lapid, habang may panahon pa ito.

Ani National Capital Region Police Office chief Police Brig. Gen. Jonnel Estomo: “Ang aking panawagan at pakiusap sa mga bumaril at pumatay kay Percival Mabasa o kilala sa tawag na ‘Percy Lapid’ na sumuko na habang may pagkakataon pa.”

Ayon sa pulisya, tukoy na nila ang pagkakakilanlan ng killer.

Inisyu ni Estomo ang ultimatum makaraang ianunsyo ang pagkamatay sa isang umano’y hired killer at drug pusher sa Quezon City.

“Huwag nang hintaying mangyari ito at lumaban sa mga awtoridad katulad ng sinapit ng isang member ng ‘gun for hire’ na ito,” ayon sa opisyal.

“Inuulit ko ang pakiusap ng ating [Interior Secretary] Benjamin ‘Benhur’ Abalos sa pamilya ng mga suspects na ito na boluntaryo nang isuko ang kanilang kamag-anak para sa kanilang kaligtasan,” dagdag niya.

Binaril at napatay si Mabasa nitong Lunes ng gabi sa Las Piñas City.