Fire volunteer nabagsakan ng bahay, patay

NAMATAY ang isang fire volunteer nang mabagsakan ng bahay na nasunog sa Barangay Batis, San Juan City nitong Martes.

Ayon sa ulat, nagliligpit na ng gamit ang mga pamatay-sunog, kabilang ang biktima na si Chasper Kenneth Oliver, 25, nang gumuho ang isa sa mga natupok na bahay.

Binagsakan si Oliver ng flooring na nagresulta sa kanyang agarang pagkasawi.

Aabot sa 80 pamilya o 318 indibidwal ang nawalan ng tirahan sa sunog na sumiklab alas-5:29 ng hapon.

Umabot sa ikatlong alarma ang sunog bago naapula makalipas ang dalawa at kalahating oras.

Inaalam pa ang pinagmulan ng sunog at ang halaga ng mga ari-arian na naabo.

Samantala, tiniyak ni San Juan City Mayor Francis Zamora ang tulong ng lungsod para sa mga pamilyang naapektuhan ng sunog.