‘Pepito Manaloto’ hindi sisibakin–Michael V.

MISMONG si Michael V. na ang nag-anunsyo na hindi sisibakin ang hit GMA comedy series niya na “Pepito Manaloto.”


Ginawa ng comedian paglilinaw sa panayam ng 24 Oras Weekend.


“Diretsahang sagot. Hindi. Yung photo namin na lumabas, ‘yung group hug na ‘yun, actually ‘yung photo na ‘yun is ang nire-represent nu’n is ‘yung remembrance, appreciation,” paliwanag niya.


Aniya, masaya lamang ang cast dahil nananatiling close ang kanilang bond.


“Natutuwa lang kami na after all these years na after ng pandemic magkakasama pa rin kami,” sabi niya.


Sa katunayan, sa mga susunod na episodes ay mapapanood ang kanilang summer special na kinunan pa sa Nueva Ecija.


Gaya ni Michael, nagpapasalamat din ang costar niyang si Manilyn Reynes dahil hindi binibitawan ng publiko ang show kahit pa 14 taon na ito sa TV.


“Naiiyak kami kasi hindi po namin maisip na hanggang ngayon sa tinagal ng ‘Pepito Manaloto,’ 14 years na kami, talagang nandyan sila simula’t simula. Nakakataba ng puso,” sabi niya.