PCO Sec. Garafil nasunugan

NATUPOK ng sunog ang tahanan ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil sa Quezon City nitong Miyerkules ng gabi.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP) Quezon City, nagsimula ang sunog sa Gabriela Silang St., New Capitol Estate 1 sa Barangay Batasan alas-8:30.

Kinumpirma ng Batasan Hills Fire Brigade na isa sa apat na bahay na nasunog pag-aari ni Garafil.

Ani Batasan Hills Fire Brigade officer-in-charge (OIC) Sanny Pineda, nakausap niya si Garafil at sinabi nito na walang nasaktan sa pamilya nito sa insidente.

“Pero totally burned po bahay niya,” dagdag ni Pineda.

Sinabi ng opisyal na nakapangalan ang bahay sa isang Richard Garafil, kaanak ng asawa ng kalihim.

Samantala, nagtamo naman ng third-degree burns sa kamay at second to third-degree burns sa katawan ang isa sa mga kapitbahay ni Garafil.

Naapula ang apoy alas-10:44 ng gabi. Inaalam pa ang pinagmulan ng sunog.