Pacquiao pumalag sa mababang rating sa Pulse Asia survey

MINALIIT ni Sen. Manny Pacquiao ang mababang rating sa pinakahuling survey ng Pulse Asia, sa pagsasabing ang kanyang atensyon ngayon ay maabot ang “D at E” classes sa bansa.

“Hindi ako nakatingin sa survey ngayon. Ang focus ko ay iyong mga taong maaabot ko, iyong mga mahihirap. Iyong nasa D-E class,” ayon kay Pacquiao na nasa ika-apat na pwesto na nakakuha lamang ng 6 porsyento sa survey na isinagawa ng Pulse Asia noong Marso 7 hanggang 21.

Gayunman, inamin ni Pacquiao na kailangan niyang magdoble-kayod para maibigay ang kanyang mensahe, partikular sa mga mahihirap.

“Ang laban ni Manny Pacquiao ay hindi laban para sa sarili ko kund laban ng sambayanang Filipino – iyong nahihirapan sa buhay at walang opportunity na umasenso. Ang Manny Pacquiao na nanggaling sa mahirap, ito ay nakikipaglaban upang magkaroon ng magandang kinabukasan ang mga naghihirap na pamilya,” dagdag ni Pacquiao.