Mura nasunugan; nakatira sa waiting shed

PANSAMANTALANG tumutuloy sa waiting shed ang dating comedian na si Mura at mga kapamilya makaraang tupukin ng apoy ang kanilang bahay sa Brgy. Tupas sa Ligao City, Albay.


Ayon kay Mura, Allan Padua sa totoong buhay, kasama niya sa waiting shed ang matandang ama at mga pamangkin.


Iniulat ng Bureau of Fire Protection-Ligao City, nagsimula ang sunog alas-9 ng gabi nitong Lunes sa silid ng ama ni Mura.


Ani Mura, pinauusukan ng ama ang silid pero nadilaan ng apoy ang kurtina bago ito mabilis na kumalat sa kanilang bahay.


Walang nasaktan sa sunog pero wala ring naisalbang gamit ang pamilya.


Dahil dito ay nananawagan ng tulong sa publiko si Mura para mayroon silang maiusuot, makain at muling makapagpatayo ng matitirahan.