6 katao nakidlatan sa kasal

HINIMATAY ang anim na katao na dumalo sa kasal makaraang makidlatan nitong Sabado sa Brgy. Salaysay sa Marilog District sa Davao City, iniulat ng pulisya.


Ayon kay Police Maj. Nelson Violan, hepe ng Marilog police station, naganap ang insidente sa Brgy. Marilog pasado alas-2 ng hapon.


Nagkakasayahan sa reception ang mga bagong kasal at kanilang mga bisita nang biglang kumidlat sabay buhos ng malakas na ulan.


Tumama ang kidlat sa puno na 10 metro ang layo sa reception area pero tumalsik umano ang boltahe at tinamaan ang anim sa mga bisita.


Nawalan ng malay ang mga biktima kaya agad isinugod sa Kibalang Barangay Health Center bago inilipat sa Southern Philippines Medical Center.


Nasa maayos na kalagayan na ang mga biktima.