Kelot pumitas ng suha, itinumba

NALILIGO sa sariling dugo at wala nang buhay ang lalaki na sinaksak ng kapitbahay dahil sa away sa suha sa Brooke’s Point, Palawan nitong Huwebes ng madaling araw.


Ayon sa pulisya, dead on the spot si Reggie Bescano, residente ng Brgy. Poblacion, District 1, dahil sa mga tinamo nitong saksak sa katawan.


Agad namang sumuko sa mga otoridad ang suspek.


Sa himpilan, inamin ng suspek na pinasok niya ang bahay ni Bescano alas-12 ng hatinggabi makaraang madiskubre na may pumitas ng kanyang mga suha.


Sinabi ng suspek na si Bescano lang ang kanyang pinaghinalaan dahil ilang beses na niya umano itong nahuli na nanunungkit ng sa kanyang taniman.


Kinompronta ng suspek si Bescano na nauwi sa pagtatalo.


Sa gitna ng away, binunot ng suspek ang dala niyang patalim at pinagsasaksak ang biktima.


Giit ng suspek, bukod sa pangunguha ng suha nang walang paalam ay ilang beses din umano siyang na-bully ng biktima.