Kelot naningil ng P100 utang tinaga

SUGATAN ang lalaki nang tagain ng ama ng sinisingil niya sa P100 na utang sa Talisay City, Negros Occidental, ayon sa pulisya.


Nagtamo ng sugat sa balikat ang biktima, 51, residente ng Brgy. Zone 15. Nagpapagaling na ito sa ospital.


Agad namang sumuko ang suspek pero pinalaya ng mga pulis makaraang makipag-areglo sa biktima.


Ayon sa ulat, nagtungo ang biktima sa bahay ng umutang sa kanya ng P100 para singilin.


Kinumpronta naman siya ng suspek dahil sinabi ng anak nito na bayad na ang utang na nagresulta sa pagtatalo.


Sa gitna ng argumento, naglabas ng itak ang suspek at tinaga ang biktima.


Itinakbo sa pagamutan ang biktima habang sumurender sa mga otoridad ang suspek.


Hindi na sinabi ng pulisya kung sino sa umutang at inutangan ang nagsasabi ng totoo.