INUTUSAN umano si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo ng kanyang abogado na tumahik na sa usapin ng kanyang citizenship.
Sa kanyang text message sa News 5, sinabi ni Guo na hindi muna siya magbibigay ng pahayag ukol sa mga kuwestiyon sa kanyang citizenship at ang kaugnayan niya sa China.
“Ayaw na po ng lawyer na magbigay po ako ng statement as of now. Thank you for understanding,” saad niya sa text message.
Bago ito, ipinagtanggol ng mga taga-Bamban si Guo at sinabing tunay na Pilipino ang kanilang mayor.
Bata pa lang umano si Guo ay nakikita na nila ito sa kanilang lugar. Bago pa tumakbo bilang mayor, magbababoy umano ang trabaho ni Guo.
Matatandaan na ginisa si Guo sa pagdinig sa Senate committee on women and children kamakailan na kung saan kinukuwestiyon ang background ng alkalde. May posibilidad daw na hindi lehitimong Filipino citizen si Guo dahil sa kaduda-dudang mga detalye sa kanyang personal na buhay.
Sa pagdinig, naungkat na walang hospital at school record ang alkalde at naiparehistro ng late ang kanyang birth certificate na umabot ng 17 taon.