Joey binutata si Noli de Castro

NIRESBAKAN ni TV host-comedian Joey de Leon ang newscaster at dating senador na si Noli de Castro sa pahapyaw nito ukol sa kasal nina Maine Mendoza at Arjo Atayde.

Tweet ni Joey: “Sa mga kababayan nating ume-epal na hindi raw dapat nagpakasal ang dalawang ito dahil binabagyo raw ang bayan, eto lang ang masasabi ko—-naunang nagplano sina Menggay kaysa kay Egay!”

“Wala silang kasalanan kundi ang unang limang letra ng “kasalanan”—-KASAL!” dagdag niya.

Matatandaan na sa end frame ng TV Patrol nitong Biyernes ng gabi ay dumako sa kasal nina Arjo at Maine ang usapan nina Noli, Karen Davila, Bernadette Sembrano at Henry Omaga Diaz.

“Katuwa naman. Kasal na sila,” ayon kina Karen at Bernadette.

“Kayo habang kinakasal, kawawa naman yung mga binagyo. Si Egay na kalalabas lang ay may papalit na si Falcon at ang possibility na maaring ang dinaanan ni Egay ay daanan din ni Falcon. Mabigat ‘yan na pasanin sa hindi pa rin nakakabangon hanggang ngayon,” sambit naman ni Noli.